Mga kaso ng COVID-19 na may Delta variant, nadagdagan pa

DUMAMI pa ang bilang ng kaso ng mga variant of concern sa bansa, ayon sa Department of Health (DOH).

Ito ay matapos madagadagan pa ng 339 ang mga kaso ng Delta variant case, 98 naman sa Alpha, 186 sa Beta, isa para sa Gamma, at siyam naman ang natukoy na kaso ng P.3 variant.

Dahil dito, ang kabuuang kaso na ng Delta variant sa bansa ay umabot na sa 3,366, habang mayroon na ring kabuuang 2,559 ang kaso ng Alpha, 2,920 para sa Beta variant, 461 ang P.3 at nakapagtala na ng kabuuang tatlong kaso na may Gamma variant.

Sa media forum, sinabi ni  DOH spokesperson at Usec. Maria Rosario Vergeire na ang mga kasong ito ay mula sa 748 na mga samples na sinuri ng Philippine Genome Center  o PCG at National Institutes of Health kung saan 633 ang natukoy na variant case.

Sa  633 variant case na ito, 609 ang local cases, 17 ang returning overseas Filipinos (ROFs) at pito ang biniberipika pa kung local case o kabilang sa ROFs.

Dagdag pa ni Vergeire, 616 naman sa mga kasong ito ay gumaling na, 10 ang namatay, lima ang active cases habang dalawang kaso naman ay kasalukuyan pang inaalam ang kanilang kalagayan.

Ayon kay Vergeire ang huling batch ng samples na sinuri ng PCG ay kasama sa retrospective samples mula Abril hanggang Hunyo 2021.

Muli namang nagpaalala sa publiko si Vergeire na patuloy na mag-ingat laban sa COVID-19.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.