Mga kandidato, makakasagot ng mas mahaba sa bagong format ng Comelec presidential debate

SINABI ng Commission on Elections (Comelec) na may bagong format para sa gagawing debate ng mga presidentiable sa darating na Abril 3 kung saan makakasagot na ng mas mahaba ang mga kandidato.

Ayon kay Comelec Spokesperson James Jimenez, papahabain na ang oras ng pagsagot ng mga kandidato sa mas mahabang dalawang minuto, at may kasama pang dagdag na 30 segundo pa para sa rebuttal.

Ang bawat isang kandidato naman ay bibigyan ng 60 segundo  para sa kanilang closing statement.

Sa nakaraang debate na itinaguyod ng poll body, binigyan lamang ang mga kandidato ng 90 segundo para sumagot.

Nakita naman natin kung ano yung nakaraang debate and we figured this will be a good opportunity to even sharpen the debate some more,” tinuran ni Jimenez.

Previously, we asked one general question per segment which all of the candidates answered. For the upcoming debate, there will be one general question that will be posed for all the candidates to answer, and this will happen at the start of the debate,” dagdag pa ni Jimenez.

Hahatiin ang mga kandidato sa tatlo bawat grupo sa bawat segment, na may isang tanong para sa bawat grupo na pagdedebatehan. Tutukuyin kung sino-sino ang magkakasama sa mga grupo sa pamamagitan ng “drawing of lots” dalawang oras bago magsimula ang debate. Papalitan ng mga grupo ang bawat segment.

Magkakaroon naman ng kabuuang apat na segment sa ilalim ng pinakabagong format. 

Ang tema ng ikalawang debate ay tututok sa pananagutan ng pamahalaan at patakarang lokal. Ang batikang mamamahayag na si Ces Drilon ang magmo-moderate sa kaganapan.

Sina Vice President Leni Robredo, Manila Mayor Francisco Domagoso, Senators Manny Pacquiao at Ping Lacson, former presidential spokesperson Ernesto Abella, labor leader Leody de Guzman, former defense chief Norberto Gonzales, businessman Faisal Mangondato, at  cardiologist Jose Montemayor ay nagkumpirma nang dadalo sa debate. 

Hindi pa nagkukumpirma si dating senador Bongbong Marcos kung dadalo ito o hindi.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.