Dahil sa lumalalang problema sa pagbabago ng klima, ang Climate Change Commission (CCC) ay nakikipagtulungan sa ilang mga mananaliksik, sa akademya, at iba pang grupo upang maisakatuparan ang implimentasyon ng mga proyekto at polisiya na may kinalaman sa pagtugon ng mga pangunahing isyu tungkol sa nasabing usapin o “climate change.”
Sa ginanap na 2nd Policy Expo 2024 na pinangunahan ng UST- Research Center for Social Sciences and Education (RCSSED) na may temang “Towards Security Solutions: Creating Strategic Intersections for Scholars and Bureaucrats,” hinikayat ni CCC Vice Chairperson at Executive Director Secretary Robert Borje na gamitin ang lahat na maaring epektibong magamit na mga school resources upang maisulong ang mga inisyatibo na naglalayong makamit ang kabuuang seguridad.
Layon din ng nasabing exposition na magbigay-daan sa paggamit ng mga pag-aaral sa pananaliksik sa mga patakaran at dokumento tulad ng National Climate Change Action Plan (NCCAP) at kung paano makakatulong ang mga iskolar at mga research institution na matulungan ang mga ahensiya ng gobyerno na masiguro ang lahat pagdating sa seguridad.
Ayon kay Borje, sinisikap ng kanyang opisina na mapabuti ang kanilang pagpaplano na dapat ay batay sa datos at agham upang ang paglipat mula sa reaksyon tungo sa isang aktibong aksyon ay kailangan.
Binigyang-diin din ni Borje na mahalaga ang Bayanihan upang labanan ang Climate Change.
“Data will drive us to make the decision base on available science. So dapat we have more scientist, we encourage more people to understand the science and make it an ally not our host,” giit ni Borje.
Sinabi naman ni Dr. Frederick Rey, project head ng 2nd Policy Expo at isa ring political sociologist at researcher, na ang presensya ng CCC ay nagpapakita ng maalab na paninindigan sa kapangyarihan ng agham na siyang magbibigay ng katatagan sa mga policy decision.
Mayroon na rin aniyang umuusbong na kalakaran sa paggawa ng patakaran sa gobyerno kung saan nagiging pamilyar ang mga eksperto sa pangangailangan ng ebidensya.
Umaasa rin ito na patuloy na makikibahagi ang UST-RCSSED sa paghubog ng mga policy narratives ng bansa tulad ng climate change, food security at technology habang patuloy na naghahanap ng mas maraming katuwang na ahensya.
Tungkol naman sa usapin ng food security, inihayag ni AGRI Party list Representative Cong. Wilbert Lee na magiging prayoridad ang kapakanan at karapatan ng mga magsasaka at mangingisda dahil sila ang mas higit na nagsasakripisyo para matugunan ang food security sa bansa.
Ayon kay Lee, bagama’t sinabi ng Department of Agriculture na may sapat na suplay ng pagkain, paalala niya ay huwag nang hintayin pa na tumigil ang mga magsasaka sa pagtatanim o dumating ang panahon na wala nang magsasaka dahil ayaw na magsaka.
“50 years old ang average (na edad) ng ating farmers ngayon—in ten or 15 years from now kung wala tayong makuhang kabataan na sumunod diyan wala na.”
Sa naturang forum, sinabi rin ni Lee na may mga programa na humihikayat sa mga kabataan na pumasok sa pagsasaka. “Ang food security natin should be strengthened through the help of youth and students. Kailangan po natin na palakasin, kailangan hikayatin ang mga kabataan na pumasok sa agrikultura,” saad ni Lee.

