INILAGAY na sa Code White Alert ang mga government hospital sa bansa bilang paghahanda sa posibleng fireworks-related injuries sa pagsalubong ng Bagong Taon.
Nangangahulugan na ang health emergency services ng bansa ay naka-standby 24/7 at on call ang mga doktor at nars.
Sa pinakahuling datos ng Department of Health (DOH), karagdagang limang kaso ng fireworks-related injuries ang iniulat sa bansa kung kaya umabot na sa 25 ang kabuuang bilang ng mga kaso.
Sinabi ni DOH officer-in-charge Maria Rosario Vergeire sa press briefing na ang caseload ng firecracker-related injuries sa ngayon ay 14 percent na mas mataas sa 22 kaso na naitala sa kaparehong panahon noong 2021.
Pangunahing sanhi ng firecracker-related injuries ang boga na may walong sugatan, sinundan ng whistle bomb na may apat; kuwitis na may tatlo; at 5-star na may dalawang sugatan.
Ang naturang mga kaso ay naitala mula Disyembre 21 hanggang 27.
“Last year, at this same time period we had 22 cases, so our cases right now are 14-percent higher than that of last year,” sabi ni Vergeire
Nauna nang hinimok ng DOH ang publiko na ipagpatuloy na ugaliin ang mas ligtas na selebrasyon ng Bagong Taon sa pamamagitan ng paggamit ng alternatibong paraan para sa pag-iingay.