Breaking News

Share this information:

PAPANAGUTIN ng Department of Education (DepEd) ang mga estudyanteng nandaraya sa kanilang pag-aaral online.

Tugon ito ni Education Secretary Leonor Briones sa naging viral na Facebook group na umano’y may mga estudyante na nagkokopyahan ng kanilang mga sagot sa exams.

Sinabi ni Briones na hihingin na nito ang tulong ng mga awtoridad upang imbestigahan ang sinasabing pandaraya.

“Cheating in schools is a lingering issue. I am not justifying this, but we assure the public we will not tolerate, and we are seeking assistance from authorities on who to investigate,” ayon kay Briones.

Nauna na ring sinabi ng National Bureau of Investigation (NBI) na minumonitor na nito ang ilang Facebook page na nagagamit sa online cheating.

“Cheating is a problem not only in schools, in society, but also in human nature,” pahayag pa ng kalihim.

BInanggit pa ni Briones na dapat ding maging magandang halimbawa ang mga magulang o nasa hustong gulang upang pagbawalan o huwag kunsintihin ang pandaraya.

“We are taught that honesty is the best policy, and the best teachers of that honesty are the adults themselves,” pahayag nito.

Nauna nang inaprubahan ng gobyerno ang rekomendasyon ng DepEd na limitadong face-to-face- classes sa mga lugar na may mababa o walang kaso ng COVID-19.

Sinabi ni Briones na magiging limitado lamang sa 100 pampublikong eskuwelahan at 20 pribadong paaralan ang physical classes.

Gayunman, kailangan aniyang may pahintulot mula sa local government unit at written consent mula sa mga magulang ng mga estudyanteng lalahok sa face-to-face classes. Magiging limitado rin ang kapasidad ng mga estudyante para sa naturang set up.

Sa Kindergarten, 12 learners lamang ang dapat kalahok sa face-to-face classes at hanggang tatlong oras ang klase. Ang Grade 1 hanggang 3 ay kailangang nasa 16 lang ang estudyanteng papasok at limitado rin ng hanggang tatlong oras ang klase. Para sa mga nasa hanay ng technical o vocational learners, lilimitan sa 20 ang makadadalo sa physical classes at hanggang apat na oras ang klase.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

%d bloggers like this: