IPINADALA ng Philippine Coast Guard (PCG) ang isa sa pinaka-malalaking barko nito para magpatrolya ng dalawang linggo sa Benham Rise.
Magpa-patrolya simula sa araw na ito ang BRP Gabriela Silang sa Benham Rise at maging sa Batanes bilang tugon sa kautusan ni PCG Commandant, CG Admiral Ronnie Gavan.
Ang pagpa-patrolya ng dalawang linggo ng BRP Gabriela Silang ay ginawa matapos mamataan ang ilang Chinese vessel noong nakaraang linggo na tila nagsasagawa ng kakaibang aktibidad sa naturang bahagi karagatan.
Bukod sa pagpapatrolya, magsasagawa din ang naturang barko ng PCG ng maritime domain awareness, pagpapa-igting ng presensya ng PCG sa Northern Luzon, at upang i-monitor ang hanapbuhay ng mga lokal na mangingisda.
Samantala, ang mga air asset naman ng Coast Guard Aviation Force ay naka-standby para sa posibleng augmentation lalong-lalo na sa aerial surveillance.

