PINAPAYAGAN na ng Bureau of Immigration (BI) ang mga diplomat, ang asawa at anak nn mga Pinoy, na pumasok sa bansa batay sa natanggap nilang resolusyon mula sa Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF).
Sinabi ni BI Commissioner Jaime Morente na sa natanggap nilang resolusyon No. 95 mula sa IATF, pinapayagan na ang pagpasok ng mga accredited na foreign diplomat, yaong mga accredited ng mga international organization kabilang ang World Health Organization (WHO), United Nations (UN), at mga dayuhang dignitaries na may travel history sa loob ng 14 araw mula sa 35 bansa na may travel restrictions dahil sa COVID-19.
“Arriving foreign diplomats and personnel of accredited international organizations will be referred to the airport’s one-stop shop for the usual testing and quarantine protocols,” ayon kay Morente.
Dagdag pa ng BI na sa mga darating sa bansa para sa medical at emergency cases, kabilang ang kanilang medical escorts, ay papayagang makapasok ng bansa pero kailangan pa nilang sumailalim sa testing at quarantine protocols na naaayon sa Department of Health.
Kabilang din sa mga pinapayagan sa naturang resolusyon ay ang asawa at menor-de-edad na anak na mga Pilipino. Subalit diin ni Morente na ang mga ito ay kailangang kasama ng mga Pilipino sa kanilang biyahe papasok ng bansa at kinakailangan ding mag-apply ng entry visa bago bumiyahe patungo sa Pilipinas.
“Spouse and minor children of Filipinos traveling with them who are not in possession of valid entry visas issued by our foreign posts abroad will not be allowed entry,” ayon kay Morente.
Klinaro pa ni Morente na ang mga dual citizen na may Philippine at foreign citizenship ay papayagang pumasok kung may ipapakitang Philippine passport o ang kanilang Certificate of Citizenship.
Ayon sa BI ang Certificate of Citizenship ay ang identification certificate o ang Certificate of Reacquisition/Retention of Philippine Citizenship sa ilalim ng RA 9225 o ang “Citizenship Retention and Re-acquisition Act of 2003.”