Mga barangay, idineklarang “critical zones” sa Maynila

Labingdalawang barangay pa sa Maynila ang isasaialim sa apat na araw na lockdown bunsod ng pagtaas ng kaso ng COVID-19. 

Base sa Executive Order No. 8 na pinirmahan ni Manila Mayor Francisco Domagoso, idineklarang “critical zone”  lockdown mula Marso 22 hanggang 25 ang paiiralin sa mga sumusunod na barangay: 107, 147, 256, 262, 297,  350, 385, 513, 519, 624, 696 at 831 para sa agarang pagtugon upang mapigilan ang pagkalat ng virus. 

Kasama rin ang Brgy. 353, partikular kabilang ang kalye na Kusang Loob, Sta. Cruz na itinuring na clustering lockdown  at ang Brgy. 658  partikular sa NYK  Fil-Ship Management Building.

Sa kasalukuyan , nasa 2,155 ang aktibong kaso ng COVID-19 sa lungsod. Mayroon namang kabuuang 29,585 recoveries at 847 deaths.

Inirekomenda ng Manila Health  Department (MHD) ang nasabing mga lugar bilang “critical zones”  para sa surveillance at massive contact tracing activities.

Sinabi ni Domagoso na ang  mga residente sa nasabing mga barangay ay istriktong pagbabawalang lumabas ng bahay.

Hindi kasama sa pagbabawalan ang mga frontliners at iba pang accredited  ng Presidential  Communications Operations Office at IATF.

Inatasan naman ang mga station commanders sa nakakasakop sa mga barangay na magdeploy ng kanilang mga tauhan na magbabantay sa galaw ng mga tao.

(With report by Joyce Fernan)

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.