IPINATAWAG ni Valenzuela City Mayor Rex Gatchalian ang mga kinatawan ng Philippine Long Distance Telephone Co. (PLDT) at Converge para bigyan ng “huling babala” upang tugunan ang hinaing ng kanyang mga nasasakupan.
Ito ay makaraang ulanin ng reklamo ang alkalde ukol sa sobrang bagal na koneksyon ng internet nitong nagdaang kapaskuhan.
Bago ito ay sa social media ibinuhos ng alkalde ang pag-usok ng kanyang bumbunan dahil lumalabas na ginagawa siyang utusan ng PLDT.
“PLDT Cares I’m turning into your errands boy…people are lodging their complaints and concerns on my twitter account bec you guys refuse to act on your clients concerns. I don’t work for you!!! Your boss doesn’t pay for my salary!!! Sige lang, push me some more. Let’s see what happens. Sobrang daming complaints vs PLDT and Converge,” saad sa post ng alkalde sa kanyang social media account.
Noong unang bahagi ng Disyembre ay binantaan at tinuluyang suspendihin ni Gatchalian ang business permit ng North Luzon Expressway (NLEX) Corporation dahil sa palpak na serbisyo ng kanilang RFID system.
Bunsod nito ay nagkaroon ng toll holiday sa lungsod na nagwakas lamang noong Disyembre 16 ngunit patuloy ang “barriers up” sa mga toll plazas sa lungsod mula 5 am hanggang 10 pm.