Mayor Domagoso, hiniling sa mga medical frontliners na magpabakuna kontra COVID-19

Share this information:

MULING nanawagan si Manila Mayor Isko Moreno Domagoso sa mga medical frontliners sa lungsod na magpabakuna na upang matiyak na mayroon silang panlaban kontra sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Ang panawagan ay ginawa ng alkalde, kasunod nang pagdating nitong Miyerkoles ng 1,870 vials ng Sinovac vaccines at 1,000 vials ng AstraZeneca vaccines sa lungsod, na kasalukuyang nasa cold storage sa Sta. Ana Hospital.

Ayon kay Moreno, hindi na dapat pang mag-aksaya ng pagkakataon ang mga medical frontliners na mabakunahan ng libre lalo na’t may ilang mga non-medical personnel ang may nais din na makatanggap nito.

Ibinunyag rin ni Moreno na batay sa ulat ni Manila Health Department (MHD) Chief Dr. Arnold ‘Poks’ Pangan, nakapagtala sila ng 102 medical frontliners na dinapuan ng COVID-19.

Sa naturang bilang, 92 ang hindi nabakunahan habang ang 10 ay bumubuti na ang kalagayan dahil na rin sa bakuna na kanilang natanggap.

Binigyang-diin naman ni Moreno na maaari naman nang makapili ng bakuna ang mga medical frontliners mula sa anim na district hospitals kaya’t walang dapat na ipag-alala ang mga ito.

Aniya, idineploy na nitong Huwebes ang mga bakuna at maaaring magtungo ang mga medical frontliners sa Sta. Ana Hospital kung nais nilang magpaturok ng Sinovac o sa Ospital ng Maynila, kung saan naman maaaring magpabakuna ng AstraZeneca.

Nabatid na ang sabayang pagbabakuna ay sisimulan ganap na 8:00 ng umaga.

“Ako’y nananawagan sa mga doctors, nurses, other medical frontliners, and other employees who are also involved in medical frontlines. Huwag na kayong maghintay nang maghintay. Sayang ang pagkakataon. Ulit: first come first served. Ang mabisang bakuna ay ang bakunang nasa braso n’yo,” panawagan pa ng alkalde.

“‘Yung 10 na bakunado at na-infect ng COVID-19 are doing well so far. Kahit papaano may panlaban sila sa virus. Meron nang dumating na mga vaccines. Kaya huwag n’yong sayangin ang panahon. Makakapamili pa kayo. Kapag AstraZeneca, doon ka sa Ospital ng Maynila. Kapag Sinovac, doon ka sa Sta. Ana,” aniya pa.

Sa ngayon ay umabot na sa 2,500 ang nabakunahan kontra virus.

May mga barangay health workers rin aniya sa lungsod ng Maynila ang nabakunahan na sa Philippine General Hospital (PGH) sa tulong ng director nito na si Dr. Gerardo Legaspi.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.