INILUNSAD ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang ‘May Huli Ka’ web application, isang bagong website para maberipika ng mga may-ari ng sasakyan ang kanilang mga paglabag sa trapiko sa ilalim ng No Contact Apprehension Policy (NCAP).
Sinabi ni MMDA Chairman Atty. Don Artes sa ginanap na presscon sa tanggapan ng MMDA Communicatiuon Center sa Pasig City, na ang “May Huli Ka 2.0” ay isang web-based na platform na nagbibigay-daan sa mga may-ari ng sasakyan na maginhawang suriin ang mga paglabag sa trapiko sa pamamagitan ng paglalagay ng kanilang plate o conduction sticker number at kanilang motor vehicle (MV) file number.
Ayon kay Artes, ang pagsali ng MV file number ay bilang dagdag na seguridad at proteksyon upang ang mga may-ari lamang ng sasakyan maaring magberipika, kumpara sa dati na plate number lamang.
Makikita sa website ang mga hakbang na gagawin kung may paglabag, ang proseso ng pagbabayad, kung saan maaaring bayaran ang multa, at kung paano iapela.
Aniya, mas pahuhusayin pa ang ang sistema sa pamamagitan planong paglulunsad ng pag-access sa detalyadong impormasyon ng paglabag, kabilang ang ebidensya ng larawan at video, petsa at oras, uri ng paglabag, kaukulang mga multa, at settlement locations sa loob ng platform, real-time na SMS at mapadalhan agad ng email sa oras na makagawa ng paglabag.
Kabilang din sa planong ipatupad sa website ang single account sa may maraming rehistradong sasakyan, at sa online na rin maaring isagawa ang proseso ng apela, hearing schedules at online payment integration.
Dumalo si PNP Chief General Nicolas Torre III, mga lider at kinatawan ng transport groups, motorcycle ride-hailing companies, at transport network vehicle services (TNVS).

