SINABI ng isang opisyal ng Department of Health (DOH) na dapat mas maraming Pilipino umano ang makakuha ng kanilang COVID-10 booster doses sa gitna ng muling pagtaas ng mga kaso ng COVID-19 sa bansa.
Nakapagtala ang Pilipinas ng 3,148 kaso ng COVID-19 noong nakaraang linggo. Mula April 17 hanggang 23, umabot sa average na 450 daily infections ang naitala sa bansa, na 32 percent na mas mataas kumpara noong nakaraang linggo.
Sinabi ni DOH Epidemiology Bureau Director Dr. Alethea De Guzman sa isang panayam na kailangan pang palakasin ang targeted population tulad ng mga senior citizen o yung mga nakatatanda dahil 82 percent pa lamang sa kanila ang fully vaccinated, at 30 percent pa lamang ng ating target population ang na-boost.
Binanggit ni De Guzman na ang omicron subvariant ay nananatiling pinaka nangingibabaw o predominant na variant sa Pilipinas.
Iniugnay niya ang pagtaas ng mga kaso, gayunpaman, sa pagtaas ng mobility.
Isa aniya sa maaaring sanhi ng pagtaas ang katatapos ng Lenten season.
Nilagdaan ng DOH ang isang set ng guidelines para sa paggamit ng pangalawang COVID-19 booster sa pangkalahatang populasyon.
Kasama sa mga karapat-dapat na makatanggap ng ikaapat na turok ang sinumang higit sa 18 taong gulang, mga buntis at nagpapasusong kababaihan, at mga indibidwal na immunocompromised.