OPISYAL nang binuksan sa publiko ang bagong Manila Zoo makatapos ng ilang buwang renobasyon nitong pandemya.
Dahil unang araw pa lamang ng pagbubukas ng zoo, wala pang gaanong nakitang namamasyal.
Mayroon nang mga bagong atraksyon sa loob ng zoo na binili pa sa ibang bansa tulad ng white Bengal tiger at zebra. Pero ang elepenteng si Mali ay sentro pa rin ng atraksyon gayundin ang mga leon at tigre at iba pang mga hayop.
May bago ring 18-foot crocodile at iba pang freshwater reptiles na darating.
Itinakda sa P300 ang entrance fee sa zoo para sa mga matatanda at bata na hindi taga-Maynila, P150 para sa mga residente ng Maynila, P200 para sa mga estudyanteng hindi taga-Maynila at P100 naman sa mga estudyante ng Maynila.
May 20 porsiyento namang diskuwento ang mga senior citizens at person with disability.
Mismong si Manila mayor Honey Lacuna at Vice Mayor Yul Servo ang nanguna sa pagbubukas ng bagong Manila Zoo.