Manila North Cemetery, naghahanda na para sa tradisyonal na paggunita ng “Undas”

Share this information:

NAGHAHANDA na ang pamunuan ng Manila North Cemetery (MNC) para sa muling pagbabalik ng tradisyonal na paggunita ng “Undas.”

Ayon kay Roselle Castañeda, hepe ng MNC, batay sa kanilang inilatag na kalendaryo, simula bukas Oktubre 1 hanggang Oktubre 25 ay bukas ang MNC mula alas 5 ng umaga hanggang alas 5 ng hapon para sa mga maglilinis o magpipintura ng mga puntod ng kanilang mga mahal sa buhay.

Hanggang Oktubre 28 naman papayagan ang libing at cremation upang bigyang-daan ang pagdagsa naman ng tao na magtutungo sa sementeryo sa Undas.

Ayon kay Castañeda, bubuksan sa publiko ang MNC mula Oktubre 29 hanggang Nobyembre 2, ganap na alas 5 ng umaga hanggang alas 5 ng hapon.

Gayunman, mahigpit na ipinaalala ni Castañeda na bawal mag “overnight” sa sementeryo tulad ng kinagawian.

Paalala pa ni Castañeda, ang mga bibisita sa MNC mula Oktubre 29 hanggang Nobyembre 2 ay dapat “fully vaccinated” o ganap nang bakunado kontra COVID-19 at may booster shot dahil may banta pa rin ng virus.

Papayagan ding makapasok ang mga senior citizen, pero bukod tanging bawal ay ang mga batang 12-anyos pababa.

Obligado rin ang lahat na magsuot ng face mask kahit sabihing nasa labas.

Sinabi ni Castañeda na mainam na rin na maagang mag-anunsyo para alam ng publiko ang mga detalye ng Undas 2022.

Kinumpirma rin ng opisyal na bawal ang mga vendor sa loob ng sementeryo, maliban sa mangilan-ngilang nagbebenta ng bulaklak.

Maaalala na noong pumutok ang COVID-19 pandemic, isinara ang mga sementeryo sa panahon ng Undas bilang pag-iingat upang huwag kumalat ang virus.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.