SAMA-SAMANG ginunita noong Sabado ng lokal na pamahalaan ng lungsod ng Maynila ang unang aktibidad para sa labing tatlong araw na okasyon patungo sa pagdiriwang ng pagkakatatag ng lungsod.
Batay ito sa inilabas na Calendar Activity na tatagal hanggang sa Araw ng Maynila celebration sa darating na June 24, 2023 ang aktibidad.
Ayon sa pamalaang lungsod, ipinagdiriwang noong Sabado ng umaga ang ika-452 taong anibersaryo ng Kagitingan sa Bangkusay, o mas kilala sa tawag na “Battle of Bangkusay” sa Plaza Moriones, Tondo, Maynila.
Dinaluhan ito ng mga opisyal mula sa DTCAM o Department of Tourism, Culture and Arts of Manila, kabilang ang Hukbong Dagat ng Pilipinas, pati na rin ang mga kawani ng pamahalaang lungsod ng Maynila sa pangunguna ni Mayor Dra. Honey Lacuna-Pangan at Bise Alkalde na si Yul Servo Nieto.
Pinangunahan naman ang pag-aalay ng bulaklak mula sa Holy Angel University sa Pampanga, na sinundan ng Department of Tourism ng kaparehong probinsiya, sa pamumuno ni Director Randy Del Rosario, Macabebe Pampanga Vice Mayor Vince Edward Flores, at ang ikatlong nag bigay ng bulaklak ay ang Mayor ng Hagonoy na si Flor-deliza Manlapaz.
Layunin ng aktibidad ang pag-alala sa ipinamalas na kagitingan sa pakikipag-laban noong Hunyo 3, 1571 na pinamunuan ni Tarik Sulayman, na sinuportahan naman ni Rajah Sulayman ang kanyang mga tropa sa Ilog Pampanga at nakipaglaban sa baybayin ng Bangkusay, sa mga Español, sa labas ng daungan ng Tondo sa Maynila na tinawag na Battle of Bangkusay.
(PHOTO CREDIT: Manila PIO Facebook page)