Mahigit kalahating milyong OFW, napauwi na ng gobyerno — DOLE

Share this information:

Sinabi ng labor department na mahigit na sa kalahating milyong mga manggagawang Pilipino sa ibang bansa na  nawalan ng trabaho dahil sa pandemya ang napauwi na ng gobyerno.

Sa ulat kay Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Silvestre Bello III ni Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) head Hans Leo Cacdac, nasa 502,581 na ang bilang ng mga Overseas Filipino Worker (OFW) ang napauwi na sa bansa at naihatid na sa kani-kanilang probinsya pagkatapos sumailalim sa COVID-19 test at quarantine protocols sa iba’t-ibang mga hotel. 

Ang huling batch ng mga repatriate ay binubuo ng 1,471 OFWs na napauwi na kahapon, Sabado de Gloria.

Sa hiwalay na ulat ng International Labor Affairs Bureau (ILAB) ng DOLE, mayroong  645,071 OFWs na apektado ng pandemya kung saan 627,576 ang displaced workers.

Sinabi ni ILAB Director Alice Visperas, 49,698 ng displaced OFWs ang humiling ng repatriation habang 75,297  ang nagpasyang manatili sa site.

Sinabi naman ng kalihim na ang gobyerno ay patuloy na magbibigay ng tulong sa mga displaced at apektadong OFWs.

Our government will not renege on its commitment to provide the needed assistance to our OFWs. We will continue to assist them for as long as it takes,” anang kalihim.

Ang DOLE AKAP (Abot Kamay Ang Pagtulong) assistance program ay may kaakibat na US$200 o katumbas ng P10,000 na financial assistance para sa bawat kuwalipikadong OFW na apektado o nawalan ng trabaho.

Bukod sa AKAP, nagbibigay din ang DOLE ng financial aid, pagkain at medical aid sa mga OFW na tinamaan ng sakit.

Sa ngayon, nakapagbigay na ito ng kabuuang $1.93 milyon cash assistance sa 9,667 OFWs na COVID-19 patients.

Naipaabot na rin ang $2.6 milyon na tulong medical at pagkain sa 124,945 OFWs.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.