Mahigit 90 indibidwal inaresto sa bar sa Quezon City

Hindi bababa sa 90 indibidwal ang dinakip ng mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) sa loob ng isang bar sa Quezon City, madaling araw ng Biyernes.

Sinalakay ng pulisya ang Guilly’s Bar sa Tomas Morato Avenue matapos na may ma-monitor na nagpost sa social media sa dagsa ng mga tao sa lugar sa gitna ng umiiral na community quarantine.

Kabilang sa mga dinampot ay mga empleyado at kustomer na nahuling nag-iinuman sa bar.

Bagamat nakasuot umano ng face mask ang mga parukyano, hindi na nasusunod ang physical distancing.

Dinala sa barangay hall ng South Triangle ang mga hinuli na pinagmulta bago pinakawalan.

Isinilbi na rin ang closure order ng lokal na pamahalaan ng Quezon City laban sa establisyimento habang nahaharap ang may-ari nito sa paglabag sa Bayanihan to Heal as One Act.

Sa ilalim ng panuntunan ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases, hindi muna pinapayagan ang operasyon ng mga bar, nightclub at iba pang leisure and entertainment centers sa ilalim ng general community quarantine (GCQ).

Kasabay nito, nagbabala naman si Quezon City Mayor Joy Belmonte sa mga restobar, nightclubs at karaoke na nag-o-operate sa gitna ng GCQ na ang inuman sa publiko ay nagiging sanhi ng pagdami ng kaso ng COVID-19 sa lungsod.

“Binabalaan natin ang mga may-ari ng bar at nightclub na itigil na ang kanilang ilegal na ginagawa dahil mahuhuli at mahuhuli namin kayo. Inilalagay niyo sa panganib ang buhay ng inyong mga customer at iba pang mga residente dahil ang pag-inom sa publiko ay isa sa mga rason sa pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa ating lungsod,” pahayag ni Belmonte.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.