Breaking News

Share this information:

PUMALO sa mahigit 47,000 mga certificate of candidacy ang naihain sa Commission on Elections (Comelec) para tumakbo sa mga lokal na posisyon sa bansa.

Batay sa datos ng Comelec, simula nuong Oktubre 1 hanggang 8 ay umabot ng 733 ang naghain ng kandidatura para tumakbong kongresista sa mga distrito.

Nasa 281 naman ang gustong maging gobernadora habang 226 ang nahahangad na makaupong bise gobernador.

Umabot naman sa 1,951 ang nagsumite ng aplikasyon upang tumakbong miyembro ng Sangguniang Panlalawigan habang mayruong 35,636 ang nais na maging miyembro ng Sangguiang Panlungsod/Bayan.

Kabuuang 4,486 ang naghain ng COC para kumandidatong alkalde at 3,968 sa pagka-bise alkalde.

Samantala, itinuturing ng Philippine National Police (PNP) na mapayapa sa pangkalahatan ang paghahain ng certificates of candidacy (COC) at certificate of nomination and acceptance (CONA) ng mga nais kumandidato.

“The Philippine National Police did not receive any significant incident that affected the eight-day filing of COCs and CONAs across the country. We attribute this to the preparations made by our unit commanders and the hard work of our personnel on the ground,” pahayag ni PNP chief Police General Guillermo Eleazar .

Sinabi ni Eleazar na bagamat mayruong ilang napaulat na insidente sa ibang bahagi ng bansa, hindi ito maituturing na malaking kaganapan at natugunan naman ng lokal na pulisya.

Ilan  sa mga ito ang direct assault, alarm and scandal at malicious mischief sa tanggapan ng Comelec sa Taraka, Lanao del Sur nang may isang aspirant na naghain ng kanyang COC para sa posisyon sa Sangguniang Bayan ngunit nagdulot ng tensyon.

Dalawang indibidwal din ang inaresto sa Lucena City at Marikina City dahil sa paglabag sa gun ban.

Mayruon din aniyang ilang mga tagasuporta ng ilang aspirants ang hindi nakasunod sa health at safety protocols.

“Nakakalungkot lamang na sa kabila ng ating paulit-ulit na pakiusap ay marami pa rin sa ating mga kababayan ang hindi sumunod sa mga patakaran ng Comelec at ng pamahalaan tungkol sa public health safety at nakakalungkot din na tila hinayaan ito ng mga sinusuportahan nilang mga kandidato,” ayon kay Eleazar.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

%d bloggers like this: