Mahigit 35,000 contact tracers, pasok na – DILG

NAKAKUHA na ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ng kabuuang 35,345 na indibidwal upang maging contact tracers ng mga posibleng kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Kasabay nito, sinabi ni DILG spokesperson Undersecretary Jonathan Malaya na sa susunod na linggo na matatapos ang kanilang recruitment ng contact tracers.

Ayon kay Malaya, nasa 27,879 ng mga kinuhang contact tracers ay sumalang na sa pagsasalay at naideploy sa iba’t-ibang lokal na pamahalaan sa bansa.

Sa 65,000 na mga nag-apply ay 57,743 ang naproseso.

Lumalabas nga po dito sa mga naproseso naming aplikasyon na marami namang kwalipikado kaya nakapag-hire na po kami ng 35,345,” ayon kay Malaya.

“I will expect po na in the next week, matatapos na po ng DILG ‘yung pagha-hire ng additional contact tracers at maide-deploy na po namin sila sa lahat ng LGUs sa buong bansa,” dagdag nito.

Nauna nang tinarget ng DILG na makakuha ng hindi bababa sa 50,000 mga bagong contact tracers bilang bahagi ng pagsisikap ng gobyerno na labanan ang COVID-19.

Prayoridad sa hiring ang mga contractual personnel na hindi na na-renew ang kontrata, overseas Filipino workers na nawalan ng hanapbuhay, mga lokal na empleyado na tinanggal din sa trabaho at barangay health workers.

Upang maging kuwalipikado, kailangang mayruong college degree o college level sa ano mang allied medical o criminology course. Susweldo ng minimum na P18,784 kada buwan ang isang contact tracer.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.