INIHAYAG ng Department of Health (DOH) na nasa 20,561 na mga sample ng mga nagpositibo sa COVID-19 ang isinailalim sa sequencing ng Philippine Genome Center o PGC.
Sa bilang na ito, 18,383 o 89.41 percent ang nakitaan ng lineage.
Kasama na rito ang 506 na mga sample na nakolekta noong Marso, Abril, Setyembre, Oktubre, at Nobyembre 20.
Ayon kay DOH spokesperson at Undersecretary Maria Rosario Vergeire, karamihan sa mga sample na na-sequence ay mula sa National Capital Region (NCR), sinundan ng Region 4A, 2, 3, Cordillera Administrative Region (CAR) at 11.
Sa Delta variant, nasa 426 na mga kaso pa ang natukoy sa sequencing, 18 sa Beta variant at 10 kaso sa Alpha variant .
Sa kasalukuyan, mayroon nang 7,038 na Delta variant sa bansa. Umabot naman sa 3,595 ang Beta at 3,139 sa Alpha.
Mula naman sa incoming international travelers ang 1,179 o 5.73 percent na mga sample na na-sequence kung saan 811 ang positibo sa variant of concern.