Muling pumalo sa mahigit dalawang libo ang bilang ng mga kaso ng COVID-19 sa bansa ngayong araw, ayon Department of Health (DOH).
Sa pinakahuling DOH case bulletin, nasa 2,052 ang nadagdag na bilang sa mga nagpositibo sa COVID-19 sa araw na ito, kung saan pumalo na sa 489,736 ang kabuuang bilang.
Bahagyang bumaba naman ang bilang ng naitalang bagong recoveries na mayroon lamang 10 kaya ang kabuuan ng mga gumaling sa sakit ay umabot na sa 458,206.
Ang tala naman ng mga pumanaw ay nadagdagan ng 11 pa dahilan para pumalo na sa 9,416 ang bilang ng mga namatay sa sakit.
Kasalukuyan namang ginagamot sa mga pasilidad ang 22,114 na aktibong mga kaso.
Muling nanguna ang Davao City sa mga probinsya at syudad na may naitalang 140 na kaso ng COVID-19 ngayong araw. Sinundan ito ng Quezon City na may 93 kaso, Cavite na may 87, Laguna, 83 at siyudad ng Manila na may 67 na kaso.
Kautgnay nito, muling nagpaalala ang DOH sa kahalagahan ng pagtangkilik sa wastong impormasyon.
Ayon sa DOH, sa kabila ng patuloy na kilos ng gobyerno upang makapaghatid ng ligtas at mabisang bakuna laban sa COVID-19, kinakailangan pa din ang pakikiisa ng mga Pilipino upang matiyak ang kaligtasan ng lahat.