Bayanihan 2, ratipikado na sa Kamara

Share this information:

NIRATIPIKAHAN na ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang bicameral conference committee report para sa P165.5 billion na Bayanihan to Recover as One Act o Bayanihan 2.

Sa ilalim ng Bayanihan 2, aabot sa P140 billion ang available funds habang P25.5 billion ang inilaan na standby fund.

Nakapaloob sa Bayanihan 2 ang pagbibigay ng P5,000 hanggang P8,000 na ayuda sa ilalim ng Social Amelioration Program (SAP) para sa mga low-income household na nasa mga lugar na naka-hard lockdown dahil sa mataas na kaso ng COVID-19, mga households na may kababalik na OFW at displaced workers.

Pinakamalaking bahagi ng pondo ay para sa pautang at ayuda sa micro, small, medium enterprises na aabot ng P39.47 billion, sa agriculture at fisheries sector na P24 billion, nasa P13.5 billion para sa pagkuha ng dagdag na healthcare workers, P13 billion para sa cash for work program, P9.5 billion para sa ayuda sa PUV drivers at iba pang programa ng DOTR.

Kasama rin sa mga pinapopondohan sa Bayanihan 2 ang pagkuha ng dagdag na contact tracers, pagtatayo ng temporary medical isolation at quarantine facilities gayundin ang expansion ng kapasidad ng mga government hospitals.

Kasama naman sa standby funds ang nakalaan sa pagbili ng COVID-19 vaccines at testing.

Binibigyan din ng animnapung araw na moratorium ang mga may utang sa bansa habang tatlumpung araw na palugit sa mga hindi agad makakapagbayad ng kuryente, tubig, at renta ng bahay o puwesto ng negosyo sa mga lugar na nasa ilalim ng ECQ at MECQ.

Ang Bayanihan 2 ay may bisa o validity hanggang Disyembre ng kasalukuyang taon.

Matapos ang ratipikasyon ng dalawang kapulungan ng Kongreso, isusumite na kay Pangulong Rodrigo Duterte ang kopya ng Bayanihan 2 para sa kanyang paglalagda upang maging ganap na batas.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.