SINABI ng Department of Health (DOH) na nabakunahan na kontra COVID-19 ang may kabuuang 1,233,017 na mga bata edad 5 hanggang 11 taong gulang mula nang magsimula ang vaccination rollout para sa mga pediatric groups noong Pebrero 7.
Ayon kay DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire, nasa 381,433 na mga bata sa ilalim ng 5-11 age bracket ay ganap nang nabakunahan.
“Sa kabilang banda, 9.7 million na ang bakunadong 12 to 17 years old,” ani Vergeire.
Sinabi ni Vergeire na ang mga magulang na empleyado ng gobyerno na sasamahan ang kanilang anak sa pagbabakuna ay maaaring maka-avail ng mga espesyal na pribilehiyo sa bakasyon.
Tiniyak din nito sa mga magulang ng pediatric population na ang pamahalaan ay patuloy na kumukuha ng naaangkop na COVID-19 jabs para sa mga menor de edad upang maprotektahan sila laban sa COVID-19.
Marso 11 naman nang aprubahan ng Food and Drug Administration (FDA) ang Emergency Use Authorization (EUA) para sa CoronaVac vaccine ng Sinovac. Ang EUA ay nagbibigay pahintulot para gamitin ang CoronaVac sa pediatric vaccination.
Una na ring sinabi ni National Vaccination Operations Center chief Myrna Cabotaje na isinasapinal na ng mga eksperto ang mga alituntunin para sa pagbibigay ng bakuna laban sa COVID-19 ng Sinovac para sa mga batang 6 na taong gulang pataas.
Ayon dito, ang bakuna ay siyang magbibigay ng karagdagang dami ng proteksyon para sa mga bata at magulang na maaaring hindi gustong gumamit ng Pfizer COVID-19 na bakuna.

