CAMP GEN. NAKAR, LUCENA CITY – Kumpiskado sa maglive-in partner ang higit Php 500,000 na halaga ng droga sa isinagawang buy-bust operation sa Lucena City kaninang umaga.
Naaresto ng Lucena Police ang maglive-in partner na sina Mark Acabado y de Chavez alyas Dagie, 38 anyos, at Roselle Flores y Magalang, 30 anyos, parehong walang trabaho at naninirahan sa Purok Santol 2, Brgy. Mayao Crossing, Lucena City.
Ayon sa report kay Lucena Chief of PLt. Col. Romulo Albacea, nagsagawa ng pinagsanib pwersa ng SDEU, Lucena CPS, OIU bandang alas 7:50 ng umaga sa Purok Santol 2 ng nasabing barangay kung saan umaktong poseur-buyer ang isang pulis na bibili ng ilegal na droga.
Kumpiskado kay alyas Dagie ang ginamit na droga, 1 coin purse at Php 500 marked money.
Tumambad din sa pulisya ang halos 26.3 gramo ng hinihinalang shabu na may halagang humigit-kumulang Php 536,520 na siya namang dadalhin sa Quezon Provincial Crime Laboratory.
Ang mga suspek naman ay nakapiit na sa Lucena City Police Station at nahaharap sa kasong paglabag sa Sec 5 and 11, Art ll ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

