Magkapatid ng Dargani ng Pharmally Pharma, hindi pa nahuhuli

HINDI pa naaaresto ang magkapatid na Mohit at Twinkle Dargani, na siyang Treasurer at Presidente ng Pharmally Pharmaceutical Corporation na ipinadarakip ng Senado.

Ayon kay Retired General Rene Samonte na Sergeant-at-Arms ng Senado, hindi natagpuan ang magkapatid sa tatlo nilang condominium units sa Bonifacio Global City sa Taguig at sa Greenhills sa San Juan City.

Sa report ng kaniyang mga tauhan, kinumpirma ng mga ito na sarado at walang tao kahapon hanggang kagabi ang mga binanggit na condo units na sinasabing tirahan ng mga Dargani.

Sinabi ni Samonte na maaaring nagtatago ang magkapatid ngunit ipinahayg nito na patuloy naman nilang hahanapin ang dalawa batay sa nakukuha nilang mga leads.

Kahapon ay ipina-contempt at ipina-aresto ng mga senador ang magkapatid dahil ayaw magsumite ng mga ito ng financial documents ng Pharmally na hinihingi ng Senate Blue Ribbon Committee.

Ang mga dokumentong nabanggit ay hinihingi ng mga senador upang masipat ang paglabas-masok ng pera sa kumpanya.

Sa nagagap na pagdinig kahapon, sinabi ni Mohit Dargani na ang kanilang kumpanya at hindi siya ang tumatanggi na magsumite ng mga dokumento.

Sa mga naunang pagdinig, tumanggi si Twinkle Dargani na ibahagi sa senado ang kanilang financial documents. Ayon dito, karapatan nila ito sa ilalim ng Bank Secrecy Law, Data Privacy Law at Corporation Code.

Kapag naaresto o kapag nagkusang lumabas, ikukulong sila sa Senate building hanggang hindi ibinibigay ang mga dokumentong hinihingi ng mga senador.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.