MALAMIG na rehas na bakal ang kakaharapin ng mag live-in partner nang masakote ang mga ito ng Valenzuela police sa isang buy-bust operation dahil sa pagtutulak umano ng ilegal na droga matapos makuhanan ng mahigit P.1 milyon halaga ng hinihinalang shabu.
Kinilala ni P/Lt. Joel Madregalejo, hepe ng Station Drug Enforcemen Unit (SDEU) ng Valenzuela police ang mga naarestong suspek na sina Federico Padua, 40 anyos, at Cristy Tornilla, 43 anyos, kapwa ng Blk 15 Lot 1 Northville 2, Brgy. Bignay.
Ayon kay SDEU investigator PSSgt. Ana Liza Antonio, dakong alas-11:55 ng gabi nang magsagawa ang mga operatiba ng SDEU sa pangunguna ni P/Lt. Doddie Aguirre ng buy-bust operation sa bahay ng mga suspek matapos makatanggap ang mga operatiba ng impormasyon mula sa isang impormante hinggil sa pagbebenta umano ng shabu ni Padua.
Nang matanggap ng back up na mga operatiba mula kay PSSgt. Alvin Olpindo na umakto bilang poseur-buyer ang hudyat na nakabili na siya ng droga mula kay Padua ay agad lumapit sina PSSgt. Gabby Migano at PCpl. Ed Shalom Abiertas saka inaresto ang mag live-in partner.
Nasamsam sa kanila ang humigit-kumulang 15 gramo ng hinihinalang shabu na may standard drug price na P102,000, buy-bust money na isang P500 bill at pitong P1,000 boodle money at cellphone.
Ang mga suspek ay nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

