Mag-asawang Chinese national, timbog sa NBI

ARESTADO ang mag-asawang Chinese national  sa isinagawang operasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Paranaque City.

Sa pinakahuling update, kinilala ni NBI Director Eric Distor ang mga suspek na sina  Angelica Belga Kong at Xiangce Kong.

Nagresulta rin sa operasyon ang pagkakasagip sa 20 kababaihan kung saan dalawa ang menor de edad.

Nag-ugat umano ang operasyon sa  intelligence report na ang grupo ng hindi kilalang indibidwal ay sangkot sa prostitution at human trafficking activities, partikular ang sexual exploitation ng mga menor de edad.

Binu-book umano ang mga kababaihan sa pamamagitan ng private group chats  na ang kanilang kostumer ay mga Chinese.

Nag-ooperate din ang nasabing grupo sa NCR plus bubble area  para mas mabilis na ibiyahe ang mga kababaihan  kung saan ibinabahay sila sa isang exclusive village sa Paranmaque City.

Isang operatiba naman ng NBI-RIZDO (Rizal District Office) ang nakipagtransakyon sa mga suspek sa pamamagitan ng pagpapadala ng mensahe sa numero na ibinigay ng informant sa pamamagitan ng mobile messaging app TELEGRAM kung saan iniaalok ang serbisyong sekswal.

Matapos makumpirma  ng NBI ang human trafficking activities, agad na ikinasa ang entrapment operation at sa tulong na rin ng Chinese interpreter ay nakakuha ng booking at nagkasundo ang poseur-customer at suspek na magkita sa motel sa Pasay City.

Dalawang team ng NBI ang  kumilos. Ang isa ay nagtungo sa motel sa Pasay City  kung saan nasagip ang isang biktima habang ang isang team naman ay sa Paranaque kung saan naman nasagip ang iba pang kababaihan at naaresto ang mag-asawa.

Dalawa naman sa nasagip na kababaihan ang postibo sa COVID-19 rapid antigen test at inirekomendang  isailalim sa quarantine habang  hinihintay ang kanilang RT-PCR test.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.