KULUNGAN ang kakahantungan ng isang mag-asawa na tulak umano ng ilegal na droga matapos makuhanan ng mahigit P.4 milyon halaga ng shabu sa ikinasang buy-bust operation ng pulisya sa Caloocan City Sabado ng madaling araw.
Kinilala ni Caloocan police chief Col. Samuel Mina Jr., ang naarestong mga suspek na sina Leo Gonzales alyas “Netoy,” 50 anyos, at Adela Gonzales alyas “Dina,” 42 anyios, kapwa ng No. 6511 Mangga St., Brgy., 178 ng lungsod.
Sinabi ni Col. Mina na nakatanggap ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng impormasyon mula sa isang regular confidential informant hinggil sa umano’y illegal drug activity ng mga suspek kaya’t isinailalim ang mga ito sa isang linggong surveillance at validation.
Nang makumpirma ang ulat, isinagawa ng mga operatiba ng SDEU sa pangunguna ni PMaj. Deo Cabildo, kasama ang mga tauhan ng 5th at 6th Mobile Force Company Regional Mobile Force Battalion-National Capital Region Police Office (MFC RMFB-NCRPO) ang buy-bust operation sa bahay ng mga suspek dakong alas-12:30 ng madaling araw.
Kaagad sinunggaban ng mga operatiba ang mga suspek matapos bentahan ng P7,500 halaga ng shabu ang isang pulis na nagawang makipagtransaksyon sa kanila matapos magpanggap na buyer ng droga.
Mahigit-kumulang sa 60 gramo ng hinihinalang shabu ang nakumpiska sa mga suspek na may standard drug price na P408,000, buy-bust money na isang tunay na P500 bill at 7 pirasong P1,000 boodle money at isang small box.
Ang mga naarestong suspek ay nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002

