Lungsod ng Maynila, susunod sa TRO ng Korte Suprema; ihihinto muna ang NCAP simula ngayon

SIMULA ngayong araw, Agosto 31, 2022, ay ipatitigil na muna ng lokal na pamahalaang lungsod ng Maynila ang panghuhuli ng mga traffic violators gamit ang camera sa ilalim ng No Contact Apprehension Policy (NCAP) na ipinatutupad sa lungsod.

Kasunod ito ng inilabas na Temporary Restraining Order (TRO) ng Korte Suprema kahapon kaugnay sa pagpapatupad ng NCAP ng ilang lungsod sa Metro Manila.

Pero ayon kay Atty. Princess Abante, ang Communications chief ng Manila City Hall at tagapagsalita ni Manila Mayor Honey Lacuna, inaasahan nila na ngayong araw nila matatanggap ang kautusan ng Supreme Court at agad naman silang tatalima. 

Ayon kay Abante, nauunawaan nila at itinataguyod ang karapatan ng sinumang mamamayan na kwestyunin ang anumang gawain ng pamahalaan tungo sa ikabubuti ng lahat.

Naniniwala din ang lungsod na dapat na pag-aralang mabuti sa korte ang mga naturang mga puna at sinasabing mga problema sa NCAP nang sa gayo’y mabigyan ito ng resolusyon.

Nilinaw naman ng opisyal na kahit ano pa ang maging resulta ng isyu sa NCAP ay makakatiyak ang mga mamamayan na magpapatuloy sila na gawing maayos ang daloy ng mga sasakyan sa mga kalsada nito.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.