ISANG team mula sa Manila Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ang tumulak patungo ng Naga City upang tumulong sa mga naapektuhan ng bagyong Kristine sa nasabing lungsod.
Ang 14-man MDRRMO rescue team ay may dalang mobile water filtration system, dalawang “Ondoy” rescue boat, dalawang rescue truck, at transporter truck.
Nakipag-ugnayan ang pamahalaang lungsod ng Maynila at MDRRMO sa mga opisyal ng Naga City para sa isang “bayanihan effort” para sa lungsod ng Naga na lubhang naapektuhan ng naturang bagyo.
“Help is coming,” ayon kay Manila Mayor Honey Lacuna bago tumulak ang MDRRMO team kahapon.
“Tinitiyak ko pong handang handa pa rin po ang Maynila at sapat ang ating pwersa para tugunan ang anumang kakailanganin ng ating Lungsod na may kinalaman sa anumang bagyo o sakuna kahit pa may rescue and emergency team tayong ipapadala sa Bicol,” sabi ni Lacuna.