LTO, mga driving school, nagkaisa para sa abot-kayang edukasyon sa mga drayber

Share this information:

NAGKAISA ang Land Transportation Office (LTO) at ang grupo ng mga driving school upang mahatiran ng mas abot-kayang halaga ng driver’s education ang mga drayber, habang paiiralin naman ang inaprubahang maximum prescribed rates simula sa Abril 15.

Kasunod ito ng idinaos na pulong sa pagitan ng LTO at ng mga miyembro ng Association of Accredited Driving Schools of the Philippines, Inc. (AADSPI), Philippine Association of LTO Accredited Driving Schools (PALADS), at iba pang kumpanya ng driving school sa bansa.

Sa nasabing pulong, ipinahayag ng mga kinatawan ng mga dumalong driving school ang suporta sa layunin ng LTO na maging makatwiran at balanse ang singil ng mga driving school kasabay ng pagtitiyak na makasusunod sila sa mga bagong panuntunan ng ahensya sa ilalim ng Memorandum Circular No. JMT 2023-2390.

Alinsunod sa Memorandum, nasa kabuuang P3,500 ang maximum na halaga ng Theoretical at Practical Driving Courses sa mga magmamaneho ng motorsiklo, at P5,000 naman para sa light vehicle.

Inilatag din ng mga driving school sa pulong ang mga suhestiyon at paglilinaw kaugnay ng memorandum circular. Tiniyak naman ni LTO Chief Jay Art Tugade na tutugunan ang kanilang mga tanong at suhestiyon sa lalong madaling panahon.

Mananatiling bukas ang LTO sa mga suhestiyon na makatutulong para higit na maging epektibo at pabor sa masa o nakararaming Pilipino ang mga polisiya na ipinatutupad ng ahensya tulad ng memorandum circular na magiging gabay ngayon ng driving schools,” diin ni LTO Chief Tugade.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.