Inilabas ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang Implementing Guidelines ng Service Contracting Program, matapos malagdaan ang Department of Transportation (DOTr) Department Order No. 2020-017 na nagmamandato sa LTFRB na bumuo ng panuntunan sa pagpapatupad ng naturang programa.
Ang Service Contracting Program ay isang bahagi ng Bayanihan To Heal as One Act II na naglalayong mabigyan ng insentibo ang mga Public Utility Vehicle (PUV) drivers sa Metro Manila at mga karatig probinsya, Metro Cebu, at Metro Davao, kapalit ng kanilang serbisyo upang punan ang pangangailangan ng mga pasahero.
Base sa Memorandum Circular 2020-059, mga drayber ng PUV na may valid at existing Certificate of Public Convenience (CPC) at Provisional Authority (PA) na bumibiyahe ngayon sa mga rutang binuksan noon pang 01 June 2020 ang kwalipikadong mapabilang sa Service Contracting Program. Bukod pa riyan ang mga sumusunod ay mga pamantayan sa pagpili ang isang PUV driver:
1. Drayber ng authorized units na pinapayagang bumiyahe sa mga rutang aprubado ng Technical Working Group (TWG) at Implementing Committee;
2. May Professional Driver’s License na may naangkop na restriction code;
3. Awtorisadong drayber ng PUV operator na kinikilala ng LTFRB. Kailangang may endorsement ng PUV operator ang naturang drayber;
4. Roadworthy ang PUV unit base, ayon sa mga panuntunan ng Omnibus Franchising Guidelines (OFG) at Land Transportation Office (LTO). May nakalagay rin na GPS device sa naturang PUV;
5. Hindi nasangkot sa anumang insidente ng road crash na nagresulta sa pagkamatay o pagkasira ng mga ari-arian sa huling dalawang taon mula sa araw na ipinatupad ang Service Contracting Program;
6. Pagsasailalim sa training na pangangasiwaan ng LTFRB, sa pamamagitan ng Systems Manager, bago mapabilang sa programa; at
7. Paglagda sa Service Contract Agreement alinsunod sa pagpapatupad ng Service Contracting Program.
Nakapaloob na rin sa MC ang kopya ng Service Contract (Annex A) na lalagdaan at ipatutupad sa pagitan ng LTFRB at kwalipkadong PUV driver. Anumang paglabag ng PUV driver sa mga kasunduang nakapaloob sa Service Contract ay magreresulta ng pagkakatanggal ng naturang drayber sa programa.
Para sa epektibong pagpapatupad ng Service Contracting Program, bubuo ang LTFRB ng Technical Working Group (TWG) na magiging punong-abala sa pagpapatupad ng mga probisyon ng programa. Bahagi rin ng programa ang pagtatalaga ng PIU na magmo-monitor sa araw-araw na operasyon sa ilalim ng Service Contracting Program at iba pang mga tungkulin na nakapaloob sa Implementing Guidelines ng programa. Kaakibat ng PIU ang Systems Manager na may kaukulang karanasan sa large-scale fleet management, at iba pang karanasan na kinakailangan para magampanan ang mga tungkulin ng Systems Manager.
Nakapaloob din sa Implementing Guidelines ang accounting, liquidation, at payment system sa ilalim ng programa na pangangasiwaan ng TWG at PIU alinsunod sa mga hakbang sa paglalabas at paggamit ng pondo ng Service Contracting Program. Naka-detalye din sa MC ang pay-out mechanism ng programa.
Inaatasang magsumite ng Evaluation Report ang TWG pagkalipas ng 30 araw mula nang matapos ang Service Contracting Program upang pag-aralan ang pagiging epektibo ng naturang programa.
Patuloy naman ang panawagan ng LTFRB sa mga PUV driver na mag-register sa Service Contracting Program para mapabilang sa database ng mga drayber na kwalipikadong masama sa naturang programa. Ang mga nais sumali sa programa ay maaaring mag-register sa alinmang pamamaraan:
1. Magrehistro sa Public Transport Online Processing System (PTOPS): ncr-ltfrb.pisopay.com;
2. Magrehistro gamit ang Google Form. I-click lang ang link na ito: https://tinyurl.com/ServiceContracting.