Lorenzana payag nang makipagdayalogo sa UP sa isyu ng UP-DND Accord

MAKIKIPAGPULONG na si Defense Secretary Delfin Lorenzana kay UP President Danilo Concepcion patungkol sa ginawa nitong paglusaw sa UP-DND Accord na may kinalaman sa operasyon ng state forces sa UP campuses.

Sinabi ni Lorenzana na nakumbinsi siya ng mga tao na kanyang inirerespeto para buksan ang dayalogo sa UP na maaaring maitakda sa mga susunod na araw.

Una nang umapela si Concepcion na mabawi ng DND ang unilateral abrogation nito sa 1989 agreement na nagbabawal sa mga sundalo at pulis na pumasok sa UP maliban na lang kung may paunang abiso o koordinasyon.

Nais naman ni Lorenzana na maipaliwanag ng UP ang pagkamatay ng ilang estudyante nito sa mga opensiba ng militar laban sa mga rebelde bago pumayag sa dayalogo.

Kasabay nito, naninindigan si Lorenzana na bagamat matatawag na unpopular move ang paglusaw sa UP-DND Accord ay pagtupad lang ito ng kanyang sinumpaang tungkulin na protektahan ang mga Pilipino, lalo na ang kabataan.

Umaapela rin ang kalihim sa taumbayan na tulungan siyang matapos na ang mahigit limang dekadang problema sa CPP-NPA na kahit ang mga bata ay nakakaladkad at nagbubuwis ng buhay sa maling paniniwala.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.