Local transmission ng UK variant sa PH, kinumpirma na ng DOH

Share this information:

KINUMPIRMA na ng Department of Health (DOH) na may local transmission na ng mas nakakahawang virus na UK variant o ang SARS-COV2 sa Bontoc, Mountain Province.

Kasunod na rin ito nang pagkatukoy ng nasa 12 kaso ng naturang sakit doon.

“The Department of Health confirms local transmission in Bontoc of the B117 variant of SARS-CoV-2 as identified through genomic sequencing,” anang DOH sa isang kalatas na inilabas nitong Lunes ng gabi.

Sinabi ng DOH na sa kasalukuyan, lahat ng natukoy na kaso na may UK variant ay maaaring iugnay sa mga kaso na direktang mula sa labas ng bansa o importasyon o mula sa ispesipikong kaso o exposure na maaari pang matukoy o local transmission.

Gayunman, wala umanong malinaw na ebidensiya na nakikita ang DOH na may community transmission na ng COVID-19 mutation sa Bontoc Province.

Ayon sa World Health Organization (WHO), masasabing mayroong community transmission ng virus kung may malaking bilang ng mga kaso, nagkakaroon ng case clusters sa multiple areas, at hindi na matukoy kung saan nakuha ang sakit.

Matatandaang una nang iniulat ng DOH na may 12 pasyente ng UK COVID-19 variant sa Bontoc.

Pito sa mga ito ang lalaki at lima ang babae habang tatlo ang bata, na nagkaka-edad ng 5, 6, at 10 taong gulang.

Nasa 11 naman ang mula sa Barangay Samoki, na ang case clustering ay unang iniulat na mula sa isang returning overseas Filipino (ROF) na mula sa United Kingdom.

Bumiyahe ito sa Bontoc sa pamamagitan ng isang pribadong sasakyan, kasama ang kanyang asawa matapos na lumitaw sa pagsusuri na negatibo siya sa virus pagdating sa Pilipinas.

Malaunan ay nakaranas ng “abdominal symptoms” ang pasyente kaya’t sumailalim muli sa swab test at dito na nakumpirmang positibo siya sa bagong variant virus.

Paglilinaw naman ng DOH, nakumpirma nila sa isinagawang genome sequencing na negatibo ang pasyente sa B117 variant.

Kaagad namang nagsagawa ng contact tracing ang mga health authorities at natukoy ang 46 COVID-19 positive close contacts na may kaugnayan sa biyahero mula sa UK.

Sa naturang bilang, 12 ang positibo sa B117 variant, anim ang negatibo sa variant, at ang 28 naman ay sumasailalim pa sa genome sequencing.

“While we have identified linkages of cases to the traveler from the UK, said traveler was negative for the B117 variant and his wife was negative on PCR test,” anang DOH.

“Thus, the Regional Epidemiology and Surveillance Unit and local government unit are currently backward tracing exposures and travel histories of cases to identify other possible source/s of infection,” dagdag pa nito.

Kaugnay nito, nilinaw naman ng DOH sa publiko na bagamat mas nakakahawa ang bagong variant ng COVID-19 ay wala namang ebidensiya na mas malala o mas nakamamatay ito.

Sa kabuuan, mayroon nang 17 kumpirmadong kaso ng UK variant sa Pilipinas. (With reports from JOYCE FERNAN)

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

Next Post

Pagbabayad ng blood money sa pamilya ng napatay na OFW sa Kuwait, ipinatitigil ng DFA

Tue Jan 26 , 2021
INIUTOS na ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. ang embahada ng Pilipinas sa Kuwait na ipatigil ang pagbabayad ng P7.5 million blood money sa pamilya ng napatay na overseas Filipino worker (OFW) na si Jeanelyn Villavende. Sa kanyang Twitter account, hinihingi ni Locsin ang ulat mula kay Philippine Embassy […]

Follow Us

%d bloggers like this: