LIMANG indibidwal, kabilang ang tatlong Chinese national, ang inaresto ng mga tauhan ng Manila Police District Police Station 5 (MPD-PS5) sa pamamagitan ng isang entrapment operation dahil sa pagdukot sa tatlong Chinese national.
Kasong Kidnap for Ransom (Article 267, Revised Penal Code) at paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunitions Regulation Act (RA 10591)ang isinampang mga kaso laban kina Wang Joe, 28 anyos; Ouyang Fuqing, 32 anyos; at Chai Xin Yuan, kapwa mga Chinese national at pansamantalang nanunuluyan sa Bayfort West, panulukan ng Mabini St. at P. Gil St., Malate, Maynila.
Arestado rin ang kanilang kasabwat na sina Kenneth Querubin, 39 anyos, residente sa 1018-C Concepcion Aguila, Maynila at si Noel Fame Dioneda ng 346 Paoay Road, Marian Park St., Martin De Porres, Parañaque City.
Ayon sa MPD-Station 5, bandang alas 10 kagabi, Huwebes nang maaresto ang mga suspek makaraang makatanggap ng reklamo mula sa isa ring Chinese national na si Jeff Wang na kasamahan ng mga biktima na sina Yang Han, Xu Wen Yang at Cui Shao Kun, kapwa nanunuluyan sa Malate, Maynila.
Sa reklamo ni Wang ,kapwa sila nasa Remedios Street, Malate, Maynila ng mga biktima nang dukutin ng mga suspek ang kanyang mga kaibigan at isinakay sa isang van .
Humirit ng ransom ang mga suspek na halagang P3 milyon kapalit ng pagpapalaya sa mga biktima.
Matapos matanggap ang reklamo, agad na nagpadala ng mga tauhan si PLt. Col. John Guiagui para sa entrapment operation kasama ang mga operatiba ng Tactical Motorcycle Rider Unit.
Sa panulukan ng Mabini St. at P. Gil St., Malate nakita ni Wang at ng mga operatiba ang mga suspek kaya agad silang pumuwesto at inaresto ang mga ito.
Nasagip naman ang mga biktima sa loob ng Toyota Hi Ace Commuter Deluxe na may plakang NDM 8999.
Samantala, ibinunyag din ng mga biktima na sila ay ikinulong sa Bayport, Paranaque ng ilang araw kung saan sila sinasaktan at hindi pinakapakain.
Sa nasabing operasyon, nakuha sa mga suspek ang isang baril at mga bala.

