Libreng industrial hygiene training, kaloob ng DOLE

MAGSASAGAWA ang Departmemt of Labor and Employment (DOLE) ng libreng 40-hour “Fundamentals of Industrial Hygiene (IH) Training” sa Mayo 31 hanggang Hunyo 4, 2021.

Dahil dito, inaanyayahan naman ng kagawaran  ang mga industrial hygienists, occupational safety and health professionals, at professionals na nasa larangan ng chemistry, engineering, acoustics, ergonomics, human factors, at biosafety na lumahok sa nasabing pagsasanay.

Ang Occupational Safety and Health Center (OSHC) na isang ahensiya ng DOLE ang mangangasiwa sa nasabing online training  para sa mga nagtapos ng 40-hour Basic Occupational Safety and Health o Construction Safety and Health Training.

“Nilalayon namin na dagdagan ang kapasidad ng mas maraming manggagawa upang maging kwalipikadong industrial hygienists para higit pang makatulong sila sa kanilang kompanya sa pagpapatupad ng mga programa ukol sa industrial hygiene at tiyakin na ligtas ang lugar-paggawa at malusog ang kanilang manggagawa,” pahayag ni OSHC Executive Director Noel Binag, CE. 

Isasagawa ang training-workshop ng limang araw kung saan ito ay isang introductory course na bumabalangkas sa malawak na prinsipyo ukol sa industrial hygiene bilang batayan sa paghahanda, pagkilala, pagsusuri, at pagkontrol sa iba’t ibang mga panganib sa kalusugan na maaaring mangyari sa lugar-paggawa.

Tampok din sa talakayan ang mga kaugnay na batas at regulasyon, human physiology at toxicology, chemicals, hazard recognition, confined spaces, indoor air quality, ventilation, at IH programming.  

Ang mga interesadong lumahok ay maaaring magrehistro gamit ang online nomination form sa pamamagitan ng https://forms/gle/VovKR1qoZbpBrCuX6.

Magiging  “first come first served basis” naman ang nominasyon at ang  mga kwalipikadong nagparehistro ay makakatanggap ng kompirmasyon at link sa kanilang email address na nakasaad sa kanilang isinumiteng Online Registration Form.

Sa anumang katanungan, maaaring tawagan sina Christine Marie Pangindian o Raymark Fernando sa (02) 89242412 or 8929-6037 loc. 209 o mag-email sa [email protected],

Kinakailangan lamang na mayroong sariling laptop o desktop computer na may webcam at microphone ang lalahok sa  workshop.

Upang makalahok sa pagsasanay, kinakailangan ang updated computer software at matatag na koneksyon sa internet na may minimum speed na 3G at 8GB data allowance kada araw.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.