Libreng dialysis session days ng Philhealth, dinagdagan

ITINAAS pa ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang limitasyon ng dialysis coverage nito mula sa 90 araw ay ginawang 144 araw hanggang Disyembre 31, 2020.

Sa isang kalatas, sinabi ni PhilHealth President Dante Gierran na agad silang magpapalabas ng mga panuntunan o circular upang masunod ng mga health institutions ang direktiba nito.

Inaatasan ng Philhealth ang lahat ng regional offices at kinauukulang healthcare facilities na ituloy pa rin ang pagbibigay ng hemodialysis sa mga pasyente kahit pa lagpas na ng 90 sessionn days.

Inabisuhan din ang mga pasyente na nakapagbayad na ng kanilang dialysis sessions na magbayad ng kanilang claims sa pinakamalapit na Philhealth office.

Una na ring ipinapanukala ni Gierran na itaas sa 133 sessions ang taunang dialysis coverage ng Philhealth.

May mga ulat umano kasi na ilang pribadong klinika ang binabalewala ang polisiya ng Philhealth patungkol sa limitasyon ng dialysis session sa ilalim ng state of calamity.

Samantala, iginigiit ni House Deputy Minority Leader Rep. Carlos Zarate na gawing kada taon na ang 144 sessions ng dialysis na sasagutin ng Philhealth para sa mga miyembro nito.

Sinabi ni Zarate na pupuwede namang mapa-pondohan ng Philhealth na gawing mas mataas pa ang limit nito upang matulungan ang maraming mahihirap na pasyenteng nangangailangan ng dialysis.

Binigyang-diin ng kongresista na ngayong nasa gitna ng pandemya at sumabay pa ang mga kalamidad, higit na kailangan ng mga pasyente ang libreng dialysis.

Batay sa datos ng Department of Health, aabot umano sa 120,000 kaso ng kidney failure ang naitatala kada taon at patuloy din itong tumataas.

Mula sa dating 4,000 dialysis patients nuong 2004, nasa 23,000 na ito nuong 2013.

Dahil nangangailangan ng dalawa hanggang tatlong beses na dialysis sessions kada linggo ang isang pasyente, karaniwan itong gumagastos ng P25,000 hanggang P46,000 kada buwan o P300,000 hanggang P552,000 kada taon. Bukod pa rito ang gastusin sa maintenance medication na umaabot ng P20,000 bawat buwan.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.