Lender, itinumba ng riding-in-tandem; pera, tinangay

Share this information:

Patay ang isang lender matapos pagbabarilin ng mga hindi pa nakikilalang salarin na riding-in-tandem bago tinangay ng mga ito ang bag ng biktima na naglalaman ng hindi pa matukoy na halaga ng pera sa Malabon City kamakalawa ng hapon.

Kaagad na binawian ng buhay sanhi ng mga tinamong tama ng bala sa ulo ang biktimang si Rodolfo Carpentero, 46 anyos, ng 28 Kaunlaran St. Brgy. Muzon.

Ipinag-utos na ni Malabon police chief Col. Angela Rejano sa kanyang mga tauhan na magsagawa ng follow-up na imbestigasyon sa posibleng pagkakakilanlan at pagkakaaresto sa mga suspek.

Sa imbestigasyon nina PSSgt. Jose Romeo Germinal at PCpl. Michael Oben, dakong 4:40 ng hapon, nakatayo ang biktima sa gilid ng kanyang electric bike sa kahabaan ng Kaunlaran St. kanto ng Kagitingan St., Brgy. Muzon, nang lapitan ito ng isa sa mga suspek at pagbabarilin sa ulo na nagresulta ng kanyang kamatayan.

Matapos ang insidente, kinuha ng suspek ang sling bag ng biktima na naglalaman ng hindi pa matukoy na halaga ng pera bago naglakad papunta sa kanyang kasama na nagmamaneho ng getaway na motorsiklo at mabilis na nagsitakas patungo sa Gov. Pascual, Brgy. Baritan.

Kaagad namang nagsagawa ng dragnet operation ang mga tauhan ng Sub-Station 7 subalit nabigo ang mga ito na madakip ang mga suspek habang narekober naman ng rumespondeng mga tauhan ng SOCO sa crime scene ang apat na basyo ng bala mula sa hindi pa matukoy na kalibre ng baril.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.