LAGUNA – NAPATAY sa saksak ng isang babaeng kasambahay ang houseboy matapos syang manggahasa at makatulugan ang biktima sa bahay ng kanyang amo sa Sta.Rosa City, Laguna nitong araw ng Pasko.
Kinilala ni Sta.Rosa Chief of Police Lt. Col. Vicente Amante ang nagahasang biktimang si Michelle Clamor Andaya, 32 anyos, tubong Negros Occidental at kasalukuyang residente ng Barangay Banlic, Cabuyao City.
Ang napatay na di-umano’y rapist ay nakilalang si Modoc Agsaway ,35 anyos, tubong Agusan Del Norte.
Base sa report ng pulisya, bandang alas 9:30 ng umaga ng Biyernes sa Sta. Elena Village, Bgy. Malitlit, ay sapilitang pumasok sa kwarto ni Andaya si Agsaway at nag-aya itong makipagtalik.
Matapos ang ilang oras ay nakatulog si Agsaway sa kwarto ni Andaya kaya’t nakakuha ito ng pagkakataon na itali si Agsaway saka inundayan ito ng saksak.
Sampung saksak sa leeg ang agad na ikinamatay ni Agsaway.
Narekober naman sa crime scene ang isang kitchen knife na siyang ginamit sa pananaksak kay Agsaway habang nakapiit na sa Sta.Rosa Jail ang nagahasang si Andaya.