Lalaking wanted sa pananakit sa buntis na ka-live-in, arestado sa Malabon

LAGLAG sa mga tauhan ng Warrant and Subpoena Section (WSS) ng Malabon City police kamakalawa ng gabi ang isang lalaki na wanted dahil sa pananakit sa kanyang walong buwang buntis na live-in partner.

Ayon kay Malabon police chief P/Col. Albert Barot, si Rickman Serafin, 30 anyos, ng Blk 14G, Lot 14, Teacher’s Village, Brgy. Longos, ay dinakip dakong alas-9 ng gabi sa loob ng kanyang bahay sa bisa ng warrant of arrest na inisyu noong July 17, 2021 ni Malabon Regional Trial Court (RTC) Judge Catherine Therese Tagle-Salvador ng Branch 73 para sa kasong paglabag sa R.A. 9262 o Violence Against Women and Children’s Act.

Ang kaso, ayon kay P/SMSgt. Addrich Reagan De Leon, ay isinampa ng buntis na live-in partner ni Serafin noong December 2020. Ito ay dahil sa pambubugbog sa kanya ng akusado makaraan ang kanilang mainitang pagtatalo dahil umano sa selos at problema sa pera.

Sinabi pa ni De Leon, nang malaman ng tiyahin ng biktima ang insidente, sinamahan nito ang pamangkin para magsampa ng reklamo sa Malabon City Prosecutor’s Office at kalaunan ay iniakyat ang kaso sa Malabon RTC, na naging dahilan upang mag-isyu si Judge Salvador ng arrest warrant kontra sa akusado.

Ayon sa pulisya, kasalukuyang nakatira ang biktima sa isang paupahang kuwarto sa Valenzuela City matapos itong magpasya na wakasan ang pakikipagrelasyon sa akusado.

Nang makatanggap ng tip mula sa kanyang impormante si WSS chief P/CMSgt. Gilbert Bansil na nagbalik si Serafin sa kanyang bahay sa Brgy. Longos ay agad silang nagsagawa ng operation na nagresulta sa pagkakaaresto sa akusado.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.