Breaking News

Share this information:

ISANG 13-anyos na batang lalaki ang nawawala matapos tangayin ng tubig makaraang tumalon sa Tullahan River para maligo sa Malabon City Linggo ng hapon.

Sa report na nakarating kay Malabon police deputy chief PLt. Col. Rhoderick Juan, dakong alas-3 ng hapon nang maganap ang insidente sa Tullahan River sa Brgy. Tinajeros.

Lumabas sa inisyal na imbestigasyon na niyaya umano ang biktimang si alyas “Vincent,” isang grade 7 student at residente ng Brgy. Catmon, ng kanyang dalawang kaibigan na edad 14 at 9 na maligo sa naturang ilog.

Pagdating sa lugar, agad umanong naghubad ang biktima saka tumalon sa ilog subalit, makalipas ang ilang sandali ay nakita siya ng kanyang mga kaibigan na humihingi ng tulong kaya tumalon din sila sa ilog para tulungan ang biktima.

Gayunman, hindi na nila nagawang mailigtas ang biktima matapos tangayin ng tubig hanggang sa mawala ito na naging dahilan upang humingi ng tulong ang mga saksi sa mga awtoridad.

Kaagad namang nagsagawa ng search at rescue operation ang mga tauhan ng Philippine Coast Guard subalit hindi na nila natagpuan ang biktima.

Bandang alas-8:55 ng gabi nang pansamantalang itinigil ang search at retrieval operation dahil sa kakulangan ng oxygen supply.

Habang isinusulat ang balitang ito, patuloy pa rin ang paghahanap ng mga awtoridad sa naturang lugar upang makita ang biktima.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

%d bloggers like this: