NAKAPIIT na ngayon ang lalaking nang-agaw ng baril mula sa sumita sa kanya na pulis dahil sa pagmomotorsiklo na walang helmet sa Caloocan City.
Batay sa ulat ng Caloocan City Police Office, walang helmet na nagmamaneho ng motorsiklo si Bright Crisostomo, 20-anyos, nang masita ng mga pulis ngunit sa halip na sumunod ay tinangka umano nitong tumakas kaya’t nagkaroon ng habulan.
Nang masukol nina P/Cpl. Ram Jorge Venturina at Pat. Emmanuel Gomez, Jr. ng East Grace Park Police Sub-Station 2 si Crisostomo para arestuhin ay nanlaban umano ito at sapilitang inagaw ang service firearm ni Cpl. Venturina.
Ayon sa mga awtoridad, itinutok ng suspek ang baril kay Venturina at tatlong beses na kinalabit ang gatilyo habang nagsasalita na “Pu..ina mo, papatayin kita” subalit nasa safety mode ang baril kaya’t hindi ito pumutok.
Agad na sinunggaban ni Gomez ang baril hanggang sa madisarmahan nito ang suspek saka pinosasan.
Ayon kay Caloocan police chief P/Col. Samuel, iprinisinta ang suspek sa inquest proceedings sa Caloocan City Prosecutor’s Office sa kasong frustrated murder at paglabag sa Article 151 o disobedience of lawful orders of Persons in Authority or their Agents.