Lalaking nag-aayos ng bubungan, patay nang makuryente sa Pangasinan

NASAWI ang isang 24-anyos na lalaki nang makuryente matapos mahawakan ang live wire habang nag-aayos ng yero ng bubungan ng kanilang bahay sa Binalonan, Pangasinan.

Natukoy ang pagkakakilanlan ng biktima na si Jonell Fernandez, residente ng Barangay Bued ng nabanggit na bayan.

Ayon sa ama ng biktima na si Edelberto, inaayos ng kaniyang anak ang sirang yero ng kanilang bahay nang aksidente nitong mahawakan ang isang live wire na nakasabit sa sampayan.

“‘Yung linya ng kuryente, kasi malakas ang hangin. Binaba siguro ‘yung gulok dito sa may [gilid]. Nu’ng tingnan ko ulit, kapit-kapit niya ‘yung wire. Tinakbo ko siya doon. Pagdating ko doon, nu’ng hawakan ko ‘yung kamay niya, ang lakas ng kuryente,” ayon kay Edelberto.

Bagamat naisugod pa sa ospital si Fernandez, hindi na rin ito nakaligtas.

“Pale po ‘yung pasyente, then may sugat po siya sa mga kamay. Siguro ano po siya sa shock, then dilated na po ‘yung mata ng pasyente. We did the CPR as the protocol of a rescuer,” ayon kay Orlando Ladimo Jr., Emergency Medical Service Nurse, MDRRMO Binalonan.

Patuloy naman na nagpaalala ang mga awtoridad na iwasang dumikit o humawak sa live wire para maiwasan ang ano mang aksidente.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.