Pinasok ng mga armadong kalalakihan at saka pinagbabaril ang isang lalaking nagmi-midnight snack kagabi sa Brgy. Parian, Calamba City, Laguna.
Tama ng baril sa iba’t-ibang bahagi ng katawan ang ikinamatay ni Arnulfo San Jose y Tantay, residente ng No. 98 Purok 7, Sitio Ilaya, Brgy. Parian, Calamba City.
Base sa imbestigasyon ng mga awtoridad may kumatok sa pintuan ng biktima bandang alas 1130 ng gabi habang nagmemerienda ito sa loob ng kanyang kuwarto.
Bigla na lamang pinagbabaril sa iba’t-ibang parte ng katawan si San Jose at agad na namatay.
Nagmamadali namang tumakas ang mga suspek patungo sa di pa malamang direksyon.
Agad namang inimbestigahan ng Scene Of the Crime Operatives (SOCO) ang nangyaring insidente.