Lahat ng simbahan sa diyosesis ng Novaliches at Cubao sa QC, isasailalim sa lockdown

Nagdeklara na ng lockdown sa lahat ng kanilang mga simbahan ang mga diyosesis ng Novaliches at Cubao sa Quezon City, kasunod na rin nang patuloy na pagtaas ng mga kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) nitong mga nakalipas na araw.

Sa Novaliches, inianunsiyo ni Bishop Roberto Gaa ang lockdown sa kanilang diyosesis simula nitong Linggo, Marso 21, sa kanyang Healing Mass sa church-run Radio Veritas kasunod ng pakikipagpulong sa alkalde ng Quezon City na si Mayor Joy Belmonte.

Ayon sa obispo, nakalulungkot at nakababahala ang muling pagtaas ng mga kaso ng sakit sa bansa kaya’t mahalagang magkaisa ang lokal na pamahalaan at maging ang Simbahan upang mapigilan ang patuloy pang pagkalat nito.

Aniya, simula nitong Linggo ay pansamantalang ipagbabawal ang personal na pagdalo ng mga mananampalataya sa mga banal na misa o ang face-to-face mass sa lahat ng parokya sa diyosesis.

Muli namang paiigtingin ng diyosesis ang pagsasagawa ng mga online masses para makadalo pa rin sa misa ang mga mananampalataya.

Umaasa naman ang Obispo na maunawaan ng bawat isa ang kasalukuyang sitwasyon at patuloy na banta ng COVID-19 sa buhay.

Hinikayat rin niya ang lahat na patuloy na tumalima sa mga safety health protocol maging sila man ay nasa loob ng kanilang mga tahanan upang maprotektahan ang pamilya mula sa sakit.

Batay kasi aniya sa datos, ang 48 percent sa naitatalang bagong kaso ng COVID-19 ay dulot ng hawahan sa loob ng tahanan o sa pamilya.

Sinabi naman ni Gaa na pag-aaralan pa nila kung muling bubuksan ang mga Simbahan sa Linggo ng Muling Pagkabuhay, Abril 4.

Samantala, kaugnay nito, nagdeklara na din ng dalawang linggong lockdown ang Diocese of Cubao mula naman nitong Lunes, Marso 22, hanggang Abril 4, upang higit na mahikayat ang mga mananampalataya na manatili sa kanilang mga tahanan bilang pag-iingat mula sa COVID-19 virus.

Ayon kay Cubao Bishop Honesto Ongtioco, bagamat mabigat sa dibdib ang muling pagsasara ng mga Simbahan lalo na sa gitna ng patuloy na paghahanda sa Semana Santa na isang mahalagang panahon para sa mga mananampalatayang Katoliko ay kinakailangan naman itong gawin para sa kapakanan ng mas nakararami.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.