TAYTAY, Rizal – Hindi umubra sa municipal health office ang tangka ng isang barangay chairman na mauna sa hanay ng mga priority sectors na inilatag ng National Immunization Technical Advisory Group (NITAG) na binubuo ng mga eksperto sa larangan ng kalusugan at siyensiya.
Sa isang liham na kanyang ipinadala sa Taytay Municipal Health Office, kinuwestyon ni Chairman Rasel Valera ng Barangay San Juan ang aniya’y pagtanggi ng mga local vaccinators na siya’y mabakunahan bilang miyembro ng Barangay Health Emergency Response Team (BHERT).
“I was denied by your good office inoculation of the life-saving vaccine,” saad ni Valera sa liham kay municipal health office chief Dr. Jeffrey Roxas.
Sagot naman ng local health office, mahigpit ang tagubiling nakasaad sa dalawang memorandum na ipinalabas ng Department of Health (DOH) kaugnay sa paggagamitan ng limitadong suplay ng bakuna mula sa COVAX facility ng World Health Organization (WHO).
Ayon sa talaan ng national vaccination priority list, “Frontline workers in health facilities both national and local, private and public, health professionals and non-professionals like students, nursing aides, janitors, barangay health workers, etc.” ang pwede lamang iniksyunan bunsod na din ng limitadong suplay ng bakuna na mayroon ang bansa.
Giit naman ni Valera, pasok siya sa talaan ng priority sectors dahil wala aniyang sinasabi sa National Deployment and Vaccination Plan na hindi puwede ang elected officials.
”As chairman and active member of BHERT, I should be included in the vaccination program on March 21,” birit pa ni Valera.
Paglilinaw ni Roxas, mga healthcare workers – at hindi elected officials ang prayoridad sa ilalim ng direktiba ng NITAG na nagtakda ng talaan ng mga priority sectors para sa national vaccination.
“Isa lang po ang malinaw at common denominators sa mga particular na indibidwal na nakasaad sa ilalim ng Priority List of Sector A-1, lahat sila ay nasa linya ng medisina – maliban sa janitor na siyang nangangasiwa sa kalinisan sa pasilidad pangkalusugan,” diin naman ng local health officer.