Kumpulan, kuwentuhan, bawal sa polling precincts — Comelec

MAHIGPIT na ipagbabawal ng Commission on Elections (Comelec) ang pagkukumpulan, chikahan, tsismisan o kwentuhan sa labas ng polling precinct at maging sa loob ng voting center.

Ito ang pahayag ni Comelec Director Teopisto Elnas, na ang pagbabawal sa mga nasabing aktibidad ay bilang pag-iingat laban sa nagpapatuloy pa ring banta ng COVID-19 sa bansa.

Sinabi ni Elnas na magtatalaga sila ng mga COVID-19 safety marshals at mga personnel ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) na tutulong para sa crowd control sa panahon ng botohan.

Dagdag ni Elnas, kung may magiging pasaway at hindi susunod sa mga ipatutupad na panuntunan ay maaaring i-summon o ipatawag ang masisitang botante o indibidwal.

Mahigpit rin umano nilang ipatutupad sa araw ng eleksiyon ang pagsusuot ng face mask, gayundin ang pagpapairal ng social distancing.

Nabatid na ang bawat botante ay dapat na dumiretso sa voter’s assistance desk kung hindi alam ang presinto.

Kung alam naman ang presinto ay maaari nang dumiretso ang botante sa kanyang polling place para makaboto.

Kapag tapos nang bumoto, dapat ay kaagad nang lumabas ang botante at hindi na dapat pang tumambay at makipag-kwentuhan pa sa polling centers.

Ang national at local elections sa bansa ay nakatakdang idaos sa Mayo 9, 2022.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.