Kumpanyang Hapones, bagong investor sa Hermosa Ecozone

Share this information:

PINANGUNAHAN ni Hermosa Mayor Jopet Inton ang grand opening ng Yokowo Manufacturing of the Philippines Inc. sa loob ng Hermosa Ecozone Industrial Park, Hermosa, Bataan, Huwebes ng umaga. 

Kasabay nito ang ribbon cutting at ang kanilang tradisyon o seremonya ng pag-inom ng sake (rice wine) bilang hudyat ng opisyal na pagbubukas ng Yokowo Manufacturing Company. 

Kasabay ng opisyal na pagbubukas nito ay ang malaking oportunidad para sa libo-libong trabaho sa ating mga kababayan. Ang kumpanyang Yokowo Manufacturing of the Philippines Inc. ay inaasahang makakapagbigay (ng trabaho) sa humigit kumulang 3,000 manggagawa. Bukod dito, ito ay magbibigay ng dagdag kita para sa ating bayan na gagamitin ng inyong pamahalaang bayan upang matugunan ang mga pangunahing pangangailangan ng ating mga kababayan,” pahayag ni Mayor Inton.

Ang Yokowo Co. Ltd. ay nagrehistro bilang 100-percent wholly-owned subsidiary company sa Pilipinas sa ilalim ng pangalang Yokowo Manufacturing of the Philippines. 

Ang kumpanya ay naglaan ng puhunan na P230 milyon (US$4.8 milyon) para sa 3.7-ektaryang planta ng produksyon sa Hermosa Ecozone Industrial Park sa Bataan.

Ang Yokowo Co. Ltd. ay gumagawa ng mga makabagong high-tech na produkto para sa mga tagagawa o manufacturers sa buong mundo para sa electronics, electrical machinery, at automotive na industriya. Inilalarawan nila ang kumpanya bilang isang espesyalista sa paggawa ng mga antenna, pinong connector, microwave, at advanced na device para sa automotive, semiconductor testing system, mobile device, at advanced na mga sektor ng medical device. 

Nakasama ni Mayor Inton sa inagurasyon sina Furumi Yokowo Executive, Yokoo Yokowo Executive, Dita Angara- Mathay, Foreign Trade Service Corps-Department of Trade and Industry (FTSC-DTI), Masahiro Nakata, Embassy of Japan, at Emmanuel Cortero ng Philippine Economic Zone Authority (PEZA) Baguio. 

Sa mga local officials ay dumalo rin sina Bataan Vice Gov. Cris Garcia, Congresswoman Geraldine Roman ng Bataan 1st District, Leilani Reynoso ng Department of Labor and Employment – Bataan, at si Congressman Abet Garcia ng Bataan 2nd District. 

Ito na ang pangalawang pamumuhunan sa paggawa ng wiring harness sa Hermosa Ecozone. Ang una ay mula sa Sumitomo Wiring Systems, isa pang Japanese company, ang Sumi Philippines Wiring Systems (SPWS).  

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.