“Kitchen laboratory” ng ibat-ibang ilegal na droga sa Rizal, sinalakay

Share this information:

CAMP VICENTE LIM, CALAMBA CITY, Laguna – SINALAKAY ng pinagsanib na puwersa ng Philippine National Police-Drug Enforcement Group (PNP-DEG), Philippine Drug Enforcement Agency-National Capital Region (PDEA-NCR) at Cainta Municipal Police ang isang bahay na umanoy may “kitchen laboratory” o pagawaan ng ilegal na droga sa Cainta, Rizal araw ng Huwebes, Enero 7, 2021.

Kasabay ng operasyon ay ang pagkakadakip sa suspek na si Khrystyn Almario Pimentel, 30, isang call center agent at residente ng Unit C-9029 Kabisig Street Block 1, Floodway, Barangay San Andres.

Ayon kay Philippine National Police-Drug Enforcement Group (PNP-DEG) Director Brig. General Ronald Lee, isinagawa ang raid sa nabanggit na lugar dakong alas 3 ng hapon kung saan tumambad sa mga awtoridad ang kusina na ang iniluluto ay ibat ibang ilegal na droga.

Nasamsam ng pulisya sa mismong “kitchen lab” ang nasa may 2,000 tableta ng ecstasy na may halagang P3.4milyon, sampung paketeng high grade marijuana o ”kush” na may bigat na 500 gramo at nagkakahalaga ng P60,000, 1 kilo ng shabu na may halagang P6.8milyon.

Sinabi ni Lee na ang kanilang nasabat na mga kontrabando ay ibinebenta sa kalakhang Maynila.

Napag-alaman sa report na umano’y drug user noon pang nasa kolehiyo ang suspek na si Pimentel kung saan nakilala nito ang isang Jose Aguilar alyas “Ishi”, isang Fil-Am sa isang dating app nitong Enero 2020 at lumaon ay nagsama bilang mag live-in partner.

Kuwento ni Aguilar kay Pimentel, na may nakabinbing kaso ito sa America kaya ito na deport ng Pilipinas. Patuloy pa rin ang pagsusupply umano nito ng mga droga sa mga dayuhan at ilang pinoy dito gamit ang courier na ‘lalamove”.

Nabanggit din umano ni Aguilar na kamag-anak nya si Jason Ivler, ang pamangkin ng sikat na OPM singer, na nakakulong ngayon sa New Bilibid Prison dahil sa pagkakapatay nito sa isang motorista sa nangyaring road rage.

Subject ngayon ng manhunt operation si Aguilar habang si Pimentel ay dinala na sa PNP-DEG sa Camp Crame kasabay ng pagsasampa ng patong patong na kaso kaugnay sa paglabag nito sa Republic Act 9165 o ang comprehensive dangerous drugs act of 2002.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.