Inilabas ng pamunuan ng Quiapo church ang “4P” na maaaring sundin ng mga deboto upang hindi na dumagsa pa sa kapistahan ng Itim na Nazareno bukas, Enero 9.
Kasama sa 4P ang “Pagdalaw” sa halip na Prusisyon o Translacion, “Pagsimba” sa halip na Pagpunta ng mga deboto sa Quaipo church, “Pagtanaw” sa halip na Pahalik o Papunas at ang “Paghanay” sa halip na Pagpasan.
Ayon sa pamunuan ng Quiapo Church, inilatag ang 4P bilang gabay sa mga deboto sa pagdiriwang ng localized Translacion 2021 na layong mabawasan ang pagdagsa ng mga deboto sa Quiapo Church, na karaniwang nangyayari tuwing Pista ng Nazareno.
Sa pamamagitan din nito ay hindi na kailangan pang bumiyahe ang mga deboto mula sa malalayong lugar upang makaiwas na rin sa paghahawahan ng sakit lalo na at may banta pa rin ng COVID-19 sa bansa.
Nakiusap naman si Quiapo Church Rector Msgr. Hernando Coronel sa mga deboto na manatili na lamang sa bahay para magdasal o manood online ng mga misa para sa Kapistahan ng Itim na Nazareno.
Bukas din aniya ang ibang mga simbahan na magsasagawa ng misa para sa Kapistahan ng Itim na Nazareno kaya doon na lamang magpunta upang hindi na dumagsa pa ang mga tao sa Quiapo.
(Photo credit: Quiapo Church Facebook page)